: Virgilio S. Almario
: Rizal Makata
: Anvil Publishing, Inc.
: 9789712729515
: 1
: CHF 4.80
:
: Geschichte
: Tagalog
: 210
: DRM
: PC/MAC/eReader/Tablet
: ePUB

Isang aklat na handog sa ika-150 kaarawan ng pambansang bayani na si Jose Rizal. Ang librong ito ay isang masinsing pagtalakay at pagsusuri sa mga piling tula ni Rizal na makaaambag sa higit na makabuluhang pagtingin kay Rizal bilang isang makata at manunulat.

Binása Mo Ba
si Rizal?


BINÁSA MO BA si Rizal? Malamáng na hindi. Na ang unang ibig kong sabihin, dahil kakaunti na ngayon ang marunong ng Espanyol sa Filipinas, malamáng na hindi mo nabása si Rizal sa orihinal. Kung sakaling nabása mo siya, nabása mo lámang siya sa salin sa Ingles o sa Filipino. O kayâ nabása mo lámang ang ilan sa mga akda niya. Alin kayâ ang nabása mo? Paano mo siya binása?

Ang hulí sa mga tanong ko ang nais kong talakayin. Bago iyon, nais ko ring linawin ang ilang malungkot na katotohanan hinggil sa pagbása kay Rizal ngayon. Una, bakâ isa ka sa hindi pa nakababása kay Rizal. At marami kang kasáma, napakarami, kahit sa lipunang edukado. Kung hindi dahil sa Rizal Law ay bakâ ni hindi na ipababása kahit ang kaniyang mga nobela sahigh school. May sospetsa nga ako na sa kabilâ ng naturang sapilitang pagpapabása kay Rizal ay maraming nakarating sa kolehiyo nang hindi nabubuklat angNoli atFili. Komiks o mga halaw lámang ang kanilang binása.

Malaki ang kasalanan sa bagay na ito ng mga titser. Silá mismo ay hindi gumagamit ng wastong salin ng mga akda ni Rizal. Ni hindi nilá alam na halaw lámang ang nabása nilángNoli atFili. Kung nabatid man, wala siláng interes humanap ng higit na mapagtitiwalaang salin at ito ang ipagamit sa kanilang mga estudyante. Umaasa din silá sa kalahatan sa mgateachers’ guide o mga sangguniang may mga tanong at sagot hinggil sa búhay at mga akda ni Rizal. Sa gayon, sa kalahatan, ay mga tagaulit lámang silá ng alam na hinggil kay Rizal. Hindi silá magiging tagaganyak ng mga estudyante sa paghanap ng bagong paraan ng pagbása kay Rizal.

Malaki din ang kasalanan sa bagay na ito ng mga pinunò, mula sa superbisor hanggang sa Kalihim, ng Kagawaran ng Edukasyon. Hindi nilá sinusuri ang kasalukuyang pagtuturo ng Rizal, bukod sa silá mismo ay hindi nagdadagdag ng sarili niláng kaalaman hinggil kay Rizal. Sa gayon, hindi silá maaasahang maglabas ng kahit pasalitâ man lámang na atas upang isúlong ang paraan ng pagtuturo ng Rizal. Kapag sinuri ang kasalukuyang kurikulum sa batayang edukasyon ay lilinaw na ang problema sa pagtuturo ng Rizal ay mahigpit na kaugnay sa mahinàng pagbalangkas at mababaw na nilalaman ng pag-aaral ng wikang Filipino at panitikan sa mababà at mataas na paaralan. Kapag sinuri din ang mga pambansang test hinggil dito ay